Napoles nakabalik na sa Fort Sto. Domingo
MANILA, Philippines - Matapos ang dalawang buwang pamamalagi sa Ospital ng Makati (OsMak) nakabalik na sa kanyang kulungan sa Fort Sto. Domingo sa Laguna ang tinaguriang reyna ng pork barrel scam na si Janet Lim Napoles.
Ayon sa Makati City Police, alas-9:25 ng gabi kamakalawa inilabas si Napoles sa OsMak at alas-10:20 ito nakarating sa Fort Sto. Domingo. Wala namang naging aberya sa pagbiyahe kay Napoles na naka-wheelchair at bullet-proof vest.
Ang pagbabalik kay Napoles sa kanyang kulungan ay matapos ibasura ng Makati City Regional Trial Court (RTC) Branch 150 ang apela nito na mapalawig pa ang confinement.
Pinagbasehan ng korte ang pagbuti ng kondisyon ng akusado matapos operahan dahil sa ovarian cyst.
Nabatid naman kay Atty. Bruce Rivera, nabayaran ni Napoles ang hospital bills sa tulong ng mga kaanak bagama’t tumanggi na itong banggitin kung magkano.
Kasama sa kautusan ng korte na dapat may isang umaalalay kay Napoles sa kulungan dahil hindi pa rin ito maaaring magbuhat ng mabibigat. Lagi ring susuriin ang vital signs, blood sugar level at vaginal bleeding into. Linggo-linggo rin itong isailalim sa medical check-up.
- Latest