Bago pa man ang laban ni Manny Pacquiao kay Jeff Horn, inamin na ng kaniyang trainer na si Freddie Roach na papalapit na sa pagreretiro ang Pambansang Kamao.

Sa panayam ng GMA News noong nakaraang linggo, sinabi ni Roach na bilang na ang natitirang laban ng 38-anyos na si Pacquiao. Dagdag pa ni Roach, kung mahirapan daw si Pacquiao na talunin si Horn, dapat na raw nitong isipin kung tutuldukan na nito ang kaniyang maningning na karera sa loob ng ring.

“If he wins and struggles we might have to think about calling it a day. He's had a quite few fights, we're getting close to the end, I know. I think he has, maybe a couple more fights in him. If he struggles in this fight it could be over,” ayon kay Roach.

Nitong Linggo, nanaig si Horn sa isang unanimous decision laban kay Pacquiao. Ayon sa Australian fighter, bukas siya sa isang rematch. Pati si Pacquiao, nagpahiwatig din na hindi niya isinasara ang pinto sa isa pang laban.

Pero sa yugto na ito ng kaniyang buhay, wala nang kailangan pang patunayan si Pacquiao, ang kaisa-isang boksingero ng nagwagi ng world championship sa walong weight division. Nitong mga nakaraang taon, lalo pang nagiging abala si Pacquiao sa kaniyang trabaho bilang isang politiko.

Sa kabilang banda, dati nang sinabi ni Pacquiao na nais niyang sa Pilipinas gawin ang kaniyang pinaka-huling laban.

Tanong tuloy ng iba: Dapat na nga bang mag-retiro si Pacquiao? O dapat ba niyang ipagpatuloy ang kaniyang boxing career?

 

--JST, GMA News