Natagpuang patay ang isang lalaki sa Quezon City na inireklamo umano ng panghahalay sa isang 13-anyos na babae na bunstis ngayon. Ang bangkay ng lalaki, may gilit sa leeg at nilagyan ng cardboard na may nakasulat na 'rapist.'

Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "Saksi" nitong Martes, sinabing halos maputol ang leeg ng lalaki na nakilalang si Prudencio Villaflores nang matagpuang sa Sauyo, Quezon City.

Isinantabi na umano ng mga awtoridad ang anggulong pagnanakaw dahil may pera pa na nakita sa kaniyang wallet at ID na nakalagay ang kaniyang pangalan.

Sa ibabaw ng bangkay, nakapatong ang cardboard na may nakasulat na "rapist".

Paniwala ng opisyal ng barangay, itinapon lang sa lugar ang biktima.

Ayon sa isang saksi na nakumpirma sa kuha ng CCTV camera, may dumaang SUV na malapit sa lugar kung saan natagpuan ang bangkay at tumigil ng ilang minuto bago umalis.

Sa record ng Quezon City Police District Station 4, may reklamong rape laban sa isang Prudencio Villaflores, at naghihintay na lang umano ng arraignment.

Pinuntahan ng GMA News ang pangalan na nakalagay sa record na sinasabing nagreklamo laban kay Villaflores.

Hindi makapaniwala ang ina ng biktima na posibleng patay na ang lalaking humalay sa kaniyang anak na nangyari umano noong Enero.

Nabuntis umano ang dalagita at kambal ang nasa sinapupunan nito.

Kaugnay nito, kinumpirma ng pulisya na si Villaflores na nahaharap sa reklamong rape ang bangkay na natagpuan sa Sauyo.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad kung sino ang pumatay kay Villaflores. -- FRJ, GMA News