Nadakip na ang suspek sa pagpatay sa limang miyembro ng isang pamilya na kinabibilangan ng tatlong bata sa San Jose del Monte, Bulacan. Pag-amin ng sinasabing salarin, lango siya sa alak at droga, at pinagsasaksak na muna niya ang mag-inang babae bago niya ginahasa.

Sa press conference nitong Huwebes, iprinesinta ni C/Supt. Aaron Aquino, director ng PNP Region 3, ang suspek na si Carmelino Navarro Ibañes, 26-anyos, tubong Negros Occidental, 26, at nagtatrabaho bilang construction worker.

Naaresto umano si Ibañes nitong Miyerkules ng gabi sa San Jose del Monte, at umamin daw sa ginawang krimen sa harap mismo ng kaniyang ina.

Ayon kay Aquino, sinabi ni Ibañes na pauwi na siya noong Martes nang may narinig umano siyang tinig na nag-udyok sa kaniya na pumasok sa bahay ng guwardiyang si Dexter Carlos.

Wala sa bahay si Carlos at ang tanging nandoon ang kaniyang asawa na si Estrella Dizon, 28; mga anak na sina Donnie, 11; Ella, 7 at Dexter Jr., 1.; at ang bulag na biyenan na si Auring Dizon, 58.

Bago ang malagim na krimen, nakipag-inuman umano ang suspek at bumatak ng shabu, ayon pa kay Aquino.

"When you mix alcohol with shabu, it's very dangerous. That's the worst... ang kalalabasan," anang opisyal Aquino.

UNANG BIKTIMA

Batay umano sa kuwento ni Ibañes, unang nakita ng suspek na natutulog sa ibaba ng hagdan ng bahay si Auring, na sinaksak niya ng 32 ulit bago ginahasa.

Nang marinig ni Estrella ang ingay, bumaba ito at nakita ang ginawa ng suspek kaya napatakbo palabas. Pero hinabol umano ni Ibañes ang biktima at pinagsasaksak ng 45 ulit at saka ginahasa rin.

Kasunod nito ay umakyat ng bahay ang suspek kung saan nandoon ang mga bata at pinagsaksak din. Nagtamo ng 15 saksak ang panganay, 19 na saksak sa sumunod, at limang saksak ang tinamo ng bunsong isang-taong-gulang lang.

"Immediately after committing the crime, he went out of the house with blood-stained hands and shirt," ani Aquino.

"Sakto may naglalakad pauwi... 3 a.m. He saw the suspect with bloodstained hands," dagdag niya.

Sinabi ni Aquino na hindi residente sa lugar ang naturang testigo at napadaan din lang habang papauwi.

"When the suspect was presented in front of her mother and sister, nag-appeal yung mother and sister (niya for him) to tell the truth. Doon na siya nagsabi na pinatay niya ang buong pamilya," patuloy ni Aquino.

Nakatira umano si Ibañes hindi kalayuan sa bahay ng mga biktima at kabilang sa mga nakikiigib ng tubig sa pamilya na kaniyang pinaslang.

Hindi naman matiyak pa kung may kasama si Ibañes nang gawin ang krimen.

"Paulit-ulit ko kasing tinatanong sa kanya, sino kasama mo when the crime is being committed. Pero hindi niya maalala. Pero sabi niya, sir, mukhang ako lang ang nandoon at nag-commit ng crime," ani Aquino.

Gayunman, itinuturing ng pulisya na "person of interest" ang dalawang kaibigan na kinilala bilang sina Leonard at Tony.

Kasama naman umano sa inuman ng suspek at gumamit din umano ng droga ang alyas Inggo at Tony.

Nang tanungin si Aquino kung pinagtatakpan ni Ibañes ang kaniyang mga kaibigan, tugon ng opisyal; "I don't think so. Sinabi ko sa kanya iyan. Kailangan mo bang pagtakpan ang kasama mo at papayag ka bang ikaw ang makulong? Eh hindi. So sa tingin ko siya lang."

Gayunman, may mga hindi umanong magkakatugma sa mga kuwento ni Ibañes na patuloy nilang iniimbestigahan.

"May words siya na medyo kwestyonable katulad ng 'parang' at sabi niya na hindi ko maalala kung may kasama ako sa ganitong lugar," sabi ni Aquino.

Inaalaman din ng mga imbestigador ang posibilidad na dalawang patalim ang ginamit sa krimen.

Hindi naman kombinsido si Carlos na mag-isa lang si Ibañes na ginawang pagpaslang sa kaniyang mga mahal sa buhay. -- FRJ, GMA News