Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

In sickness and in health: Ang muling pagbangon ng pamilya ni Junbert at Rochelle


 

Nitong Hunyo lamang, itinampok ng ‘Kapuso Mo, Jessica Soho’ ang kwento ng mag-asawang Junbert at Rochelle. Nag-viral kasi ang video ni Rochelle na kumakanta ng worship song habang inaalagan ang mister.

Pagka-ere ng istorya nila, dumagsa raw ang mga tulong para sa kanila.

Ang mga nalikom na pera ang ipinamasahe nila mula Romblon pa-Maynila para dito na tuluyang ipagamot si Junbert.

Sa kabila ng lahat ng tulong, hindi pa rin tumitigil si Rochelle sa araw-araw niyang pag-aalaga sa asawa.

Pinupunasan ang buong katawan, pinapakain at inaawitan.

Hanggang nito lang Setyembre, tila may dumating sa kanilang isang himala.

Si Junbert bigla raw kasing naigalaw ang mga kamay. Makalipas ang ilang araw, naigalaw naman nito ang kaniyang mga paa, hanggang sa tuluyan na itong nakapagsalita.

Sa tatlong buwan na pakikipaglaban sa brain cancer, sapat na ito para muling magkaroon ng pag-asa ang mag-asawa.

Ang sakripisyo para sa pamilya

Nagkakilala noon sa isang piyesta sina Rochelle at Junbert Robiso. Sila ay nagkamabutihan hanggang sa nagpakasal noong taong 2010. Ang pagsasama nila ay biniyayaan ng dalawang supling.

Pero dahil sa hirap ng buhay sa Sibuyan, Romblon, kinalaunan ay nagdesisyon ang dalawa na makipagsapalaran sa Maynila.

Dito namasukan bilang isang security guard si Junbert. Halos 24 oras ang duty niya pero ang pagod at puyat ay hindi niya ininda dahil ang lahat ng ito ay para sa kaniyang mag-iina.

Hanggang sa isang araw, bigla na lang nahilo at nagsuka si Junbert. Agad-agad siyang dinala sa doktor at dito na nila natuklasan mayroon pala siyang brainstem glioma. Ito ay isang uri ng cancerous na tumor na tumutubo sa gitnang bahagi ng utak ng tao.

CAPTION: Unti-unting nanghina ang dating malakas na pangangatawan ni Junbert.

Ayon sa doktor, maximum of 2 years ang itinatagal ng ganitong mga kaso. Pero dahil ang tumor ay nasa delikadong parte ng utak, hindi ito puwedeng operahan. Ang tanging solusyon ay chemotherapy.

Simula ng kalbaryo

Hindi nagtagal ay lumabas na ang mga sintomas ng sakit ni Junbert. Nanghina, nalumpo, hanggang sa unti-unti na ring nabulag.

“Wala akong sinisisi, walang may kasalanan nito. Ngunit minsan napapaisip ako na inabuso ng mister ko yung katawan niya para sa amin ng mga anak niya.” Banggit ni Rochelle.

CAPTION: Ang asawa na handa gawin ang lahat para kay Junbert.

Pero ngayon, pilit na lamang nagpapakatatag ni Rochelle para sa kaniyang mga anak. Haharapin nila ni Junbert ang problemang ito ng magkasama. Bilang mag-asawa, bilang isang pamilya.

‘Salamat’

“Yung unang-unang word na nabanggit niya ay ‘Salamat’,” kuwento ni Rochelle ng may ngiti sa kaniyang labi. Bakas sa kaniyang mukha ang tuwa na naramdaman niya noong mga panahon na iyon.

Bukod sa kaniyang kamay ay unti-unti na ring nakakapaglakad si Junbert sa pag-aalalay naman ng kaniyang asawa.

Noong medyo nakakabawi na ng lakas, ay araw-araw na silang bumibisita sa simbahan para magpasalamat sa unti-unting paggaling ni Junbert.

Pero higit sa lahat, walang hanggan ang pasasalamat niya sa kaniyang asawa. “Sobrang swerte ko at hindi niya ako pinabayaan.”

Dito sa Parañaque ay kasalukuyang nangungupahan ang mag-asawa kasama ang kanilang dalawang supling.

Para makaraos sa gastusin araw-araw, ang natira sa nalikom na donasyon ay ipinampatayo nila ng maliit na tindahan.  Ang limandaang pisong kita kada araw ang pinagkakasya nila para sa kanilang pangkain, renta sa bahay, pambayad ng tubig at kuryente, at pambili ng gamot ni Junbert.

Tuloy pa rin ang laban

‘Yun nga lang, patuloy pa rin sa paglaki ang tumor sa utak ni Junbert. Kaya si Rochelle, limang beses sa isang linggo kung ipatingin sa doktor ang mister.

Dito ay sumailalim si Junbert sa radio-active therapy sessions, isang paraan para mapaliit ang bukol nito sa utak.

Ayon sa doktor, dahil sa tuluyang panghihina ng katawan ni Junbert, ay malaki pa rin ang tiyansang bumigay ang katawan ng mister. Pero si Rochelle, buo pa rin ang loob at patuloy na lumalaban.

CAPTION: Nagsisimula pa lang ang laban para sa mag-asawa.

Para sa mag-asawang Rochelle at Junbert, hindi pa tapos ang laban. Umaasa na isang araw ay tuluyan nang gumaling ang mister.

Sabi nila, masakit daw ang umasa. Pero paano kung minsan ito na lang ang natitira mong sandata? -- Zebadiah Cañero/BMS, GMA Public Affairs

Mapanonood ang "Kapuso Mo, Jessica Soho" tuwing Linggo ng gabi sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito ninyong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.