Filtered By: Topstories
News
GINAWA RAW BIRTHDAY GIFT

15-anyos na dalagita, paulit-ulit daw na ginahasa sa party


Isang dalagita ang nagreklamo na paulit-ulit umano siyang ginahasa ng tatlong lalaki sa isang birthday party.Ang biktima, ginawa raw regalo ng isa sa mga suspek para sa kasamang na nagdiriwang ng kaarawan sa San Mateo, Rizal.

Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, nadakip sa follow-up operation ang isa sa mga suspek na si Edrian Peregrino, matapos siyang ituro ng 15-anyos na biktima.

Sa simula, itinanggi pa umano ni Peregrino ang paratang pero kinalaunan ay itinuro ang dalawa pang kasama na sina Adrian Padayao, 19-anyos at Edgie Tamone, 20-anyos.

Hindi nadakip ang dalawa nang puntahan ng mga awtoridad sa kanilang bahay.

Pero nadakip naman si Ella Tuesta, na kaibigan umano ng mga suspek at pumili sa raw biktima na ireregalo sa may kaarawan.

Kuwento ng kaanak ng biktima, linggo ng gabi nang nagpaalam ang biktima na pupunta sa isang birthday party at kasama si Tuesta.

Pero nang malasing na raw ang lahat, doon na pinagsamantahan ng mga suspek ang biktima.

Nalaman daw ang masaklap na sinapit ng dalagita nang umuwi ito ng madaling araw ng Lunes na may mga pasa at galos sa ilang parte ng katawan.

Inamin umano ng biktima na paulit-ulit siya ginahasa at may pagkakataon na nagsabay-sabay pa umano ang tatlo sa paghalay sa kaniya habang may nakatutok na patalim.

Ayon pa sa pulis, nakita si Peregrino sa CCTV ng barangay na kasama ang biktima na sumundo sa biktima matapos ihatid ni Tuesta.

Patuloy na tinutugis ng mga awtoridad ang dalawa pang suspek, habang nahaharap naman sa reklamong rape na kaugnay sa paglabas sa child abuse law. -- FRJ, GMA News

Tags: childabuse, rape