Filtered By: Topstories
News

Pondo ng Department of Agriculture sa 2017, tinapyasan ng P3.4B


Aabot sa P50.6 bilyon ang pondo ang inilaan sa Department of Agriculture (DA) sa 2017.  Mas mababa ito ng P3.4 bilyon kumpara sa kasalukuyang pondo ng ahensiya na P54 bilyon.

Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations nitong Huwebes tungkol sa 2017 national budget, sinabi ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol, na hindi ang nasabing halaga ang hiniling niyang pondo sa Department of Budget and Management para sa kaniyang ahensiya.

"Given the fact it was the amount approved, I have to work with it," paliwanag ni Piñol.

Ang DBM ang namamahala sa paghimay at paglalaan ng pondo para sa panukalang budget ng pamahalaan--kabilang na ang pondo para sa iba't ibang ahensiya ng gobyerno, na isinusumite sa Kongreso.

Paliwanag ni Piñol, ang tapyas  sa pondo ng DA ay batay umano sa "budget ceiling" na inirekomenda ng Finance Team sa Gabinete.

"The Finance Team could not entirely be blamed too because they based the budget ceiling of each department on the absorption rate and expenditure efficiency of each department," paglilinaw ng kalihim.

Idinagdag din ni Piñol na hindi naman nagastos ng nagdaang adminitrasyon ang lahat ng pondo nakalaan sa ahensiya.

"In fact, when I took over, about P7 billion was left unspent in the 2015 budget," aniya.

Inihayag din niya na hindi ikinonsidera ng Finance Team ang mungkahi niyang Rice Productivity Enhancement (RIPE), na mangangailangan sana ng dagdag na P18 bilyon pondo sa ahensiya sa 2017.

Layunin sana ng programa na bigyan ng subsidiya ang mga magsasaka na naapektuhan ng El Niño.

"I love challenges and with the budget given to us for 2017, I will make sure that it would be effectively spent for programs that would ensure greater food production and reduce poverty in the countryside," anang kalihim. -- FRJ, GMA News