Filtered By: Topstories
News
POSITIBO RAW SA DROGA

Suspek sa pagpatay sa 23-anyos na nurse, nasa kostudiya na ng pulisya


Nasa kostudiya na ng pulisya ang lalaking suspek sa pagpatay sa isang 23-anyos na babaeng nurse na natagpuang tadtad ng saksak sa inuupahang kuwarto sa Quezon City noong Sabado.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Miyerkules, sinabing unang sumuko si Jeffrey Guarin, 22-anyos, sa mga opisyal ng barangay tatlong araw matapos makitang patay ang biktimang si September Ann Paz, sa inuupahan nitong kuwarto sa barangay Kristong Hari sa Quezon City.

READ: 23-anyos na nurse, natagpuang tadtad ng saksak sa inuupahang kuwarto

Lumitaw na kapitbahay lang ng biktima si Guarin.

Sa paunang ulat, sinabi umano ng suspek na lasing siya nang gawin ang krimen.

Plano lang daw niyang magnakaw dahil nabitin ito sa pakikipag-inuman pero nagising ang biktima at kaniyang pinagsasaksak.

Batay sa isinagawang drug test sa suspek, positibong gumagamit siya ng bawal na gamot.

Hinihinala ng mga pulis na lango sa droga at hindi lang sa alak si Guarin nang patayin si Paz na nagtamo ng maraming saksak sa katawan. -- FRJ, GMA News