Robredo dumayo sa teritoryo ng katunggali, ‘Solid North’ sinuyo
MANILA, Philippines – Bumisita si Liberal Party (LP) vice presidential candidate Leni Robredo kamakailan sa Ilocos region, isang kilalang balwarte ng kanyang katunggali, at iprinisinta ang sarili bilang alternatibong kandidato para sa May elections.
“Since time immemorial, talagang solid ang North pero I think it is still worth giving it a try to present an alternative,” wika ni Robredo matapos dumalo sa students’ forum sa Northwestern University sa Laoag City.
“Very realistic naman tayo sa expectations dito. Ang sa atin, basta naiprisinta lang kung sino tayo, bahala na ang voters na magdesisyon. Ang mahirap, iyong hindi ka man lang sumubok na pinakilala ang sarili,” dagdag pa niya.
Pagdating sa Laoag City, dumalaw si Robredo sa Carmelite nuns at humingi ng panalangin bago dumalo sa students’ forum.
Sa nasabing students’ forum, hindi kumambiyo sa pagsagot si Robredo sa mga tanong ukol sa katunggaling si Sen. Bongbong Marcos at sa isyu ng Martial Law.
Sa harap ng daan-daang estudyante, muling iginiit ni Robredo ang pagkontra sa Martial Law at muling nanawagan kay Marcos na humingi ng tawad sa pagkakamaling nangyari sa panahong iyon upang makausad na ang bansa sa isyu.
- Latest