Filtered By: Topstories
News

Mga rehiyon na may mataas na insidente ng HIV ngayong 2015


Batay sa tala ng Department of Health (DOH), tinatayang may 21 kaso ng HIV (human immunodeficiency virus) ang naitatala bawat araw ngayong 2015. Lumitaw din na galing sa National Capitol Region ang karamihan sa mga magtataglay ng nakamamatay na virus sa unang limang buwan ng taon.

Mula Enero hanggang Mayo pa lamang ngayong taon, umabot na sa 3,157 ang naitalang HIV cases, batay sa monitoring ng National HIV/AIDS and STI Surveillance and Strategic Information Unit ng DOH.

Sa nasabing bilang, 3,025 ang lalaki at 132 ang babae. Lumitaw din na 205 na sa mga ito ang nasa estado na ng AIDS.

Nangunguna ang Metro Manila o NCR sa may pinakamataas na HIV cases mula Enero hanggang Mayo, at sinundan ng Region 4-A.
 
Noong Enero 2015, nasa 536 ang nadagdag sa HIV cases kung saan 42 porsiyento nito ang nasa NCR at 15 porsiyento naman ang nasa Region 4-A. Sinundan ng Region 3 (10%), Region 11 (6%) at Region 7 at 6 (tig-5%).

Pagsapit ng Pebrero 2015, nakapagtala naman ng 646 new HIV cases, at 41 porsiyento ang galing sa NCR. Sinundan naman ito ng Region 4A at 7 na may tig-15 porsiyento. Kasama rin ang Region 3 (7%) at Region 11 (4%).

Noong Marso 2015, tumaas pa ang insidente ng HIV na nakapagtala ng 667 na bagong kaso. Sa nabanggit na bilang, 44 porsiyento ang galing sa NCR. Sinundan ito ng Region 4A (14%), Region 7 (10%), Region 3 (9%) at Region 11 at 6 (tig-5%).

Sa buwan ng Abril 2015, may 560 bagong kaso ng HIV ang naitala kung saan 37 porsiyento ang nasa NCR. Sinundan ito ng Region 4A (18%), Region 3 (9%), Region 7 at 11 (tig-7%) at Region 6 (3%).

Tumaas naman lalo ang mga bagong kaso ng HIV pagsapit noong Mayo 2015 na may 748. Nasa 37 porsiyento nito ang nasa NCR, at sinundan ng Region 4A (19%), Region 7 (8%), Region 3 (7%), Region 11 (6%) at Region 6 at 12 (tig-4%). -- FRJ, GMA News

Tags: pinoytrivia