Mga kandidato lumagda sa covenant
MANILA, Philippines - Maging mapanuri at makilahok sa eleksyon.
Ito ang mensahe ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle kahapon bilang bahagi ng kanyang homily kasunod ang covenant signing na Truthful, Responsible, Upright, Transparent and Honest (TRUTH) Elections ng mga kandidato sa Manila Cathedral.
Ayon kay Tagle, mapalad ang Pilipinas na isang lipunang demokratiko na nakakalahok ang iba’t ibang uri ng tao sa eleksiyon. Hindi umano dapat na sayangin ng bawat Filipino ang pagkakataon dahil ito ay para naman sa bansa.
Binigyan-diin ni Tagle na kailangan lamang na maging mapanuri ang mga botante sa kandidato na kanilang ipupuwesto dahil ito ang mag-aangat ng kanilang pamumuhay at tutupad sa kanilang mga pangarap.
Nais ni Tagle na masiguro na magiging maayos ang halalan sa kabila ng kabi-kabilang batuhan ng mga akusasyon lalo pa’t ang mga Filipino ang siyang apektado ng away pulitika.
Kabilang sa mga dumalo ay sina presidential candidates Vice President Jojo Binay, Mar Roxas, at senatorial candidates Vice Mayor Isko Moreno Domagoso, Roman Romulo, Toots Ople, Martin Romualdez, Raffy Alunan, Francis Tolentino, Risa Hontiveros, Leila de Lima, Rey Langit at Getulio Napenas.
Hindi naman nakadalo sina Sen. Grace Poe, Mayor Rodrigo Duterte at Sen. Miriam Defensor –Santiago.
Sinaksihan ang covenant signing nina Comelec Chairman Andres Bautista, PPCRV Chairperson Henrietta De Villa, ilang mga watchdog, opisyal ng PNP at AFP.
- Latest