Filtered By: Topstories
News

Mahigit 70 katao, kumpirmadong nasawi sa nasunog na pabrika sa Valenzuela city


Kinumpirma ng isang opisyal ng Bureau of Fire Protection nitong Huwebes na mahigit 70 katao na ang nasawi sa nasunog na pabrika ng tsinelas sa Valenzuela City nitong Miyerkules.

Sa panayam ng dzBB radio, sinabi ni BFP Regional Director F/Sr. Supt Sergio Soriano Jr.,  na 72 bangkay ang nakuha nila sa nasunog na pabrika sa barangay Ugong.

Sa ulat ng GMA News TV Live nitong Huwebes ng hapon, kinumpirma ni Interior Secretary Mar Roxas ang naturang bilang ng mga nasawi sa sunog.



Patuloy naman ang retrieval operations sa lugar at humihingi ng paumanhin si Valenzuela City Mayor Rex Gachalian sa mga kaanak ng biktima na naghahanap ng kanilang mahal sa buhay na kabilang sa mga nawawala.

"We're apologizing if there are any discrepancy, but this is the best that we're doing," pahayag ng alkalde sa press conference. "Kasi we'll have to understand, 'yung mga pamilya, minsan twice silang [nagpapa-register] -- minsan pupunta sa amin 'yung kapatid, tapos pupunta 'yung tatay..."

Samantala, nagtalaga si PNP officer-in-charge Deputy Director General Leonardo Espina ng karagdagang tauhan ng Scene of the Crime Operations (SOCO) forensic examiners upang tumulong sa retrieval operations at pagkilala sa mga biktima.

Sa ngayon, nasa 40 PNP-SOCO mula sa National Capital Region Police Office at PNP headquarters ang ipinadala na sa lugar ng sunog. -- FRJ, GMA News