Trillanes sa mga botante: ‘Don’t tell me I didn’t warn you’
MANILA, Philippines - “Walang sisihan!”
Ito ang naging babala ni Senator Antonio Trillanes IV sa mga mamamayan sakaling manalong presidente sa eleksiyon sa susunod na buwan si Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Ayon kay Trillanes, hindi na siya masisisi sakaling manalo pa si Duterte matapos ilabas niya ang mga isyu laban dito katulad ng diumano’y P211 milyong sekretong bank account na hindi umano isinali sa pagdedeklara ng Statement of Assets, Liabilities and Net worth (SALN) ng mayor noong 2014.
“Kung manalo then ‘yan ang gusto ng Pilipino eh di lulunukin natin. Kumbaga don’t tell me I didn’t warn you. You have been warned,” ani Trillanes.
Pero nauna ng nagbabala si Trillanes na kung sakaling mananalo si Duterte, kabilang siya sa unang magsasampa ng impeachment complaint laban dito.
“Pero kung ganun pa man, siya pa rin ang magiging presidente, gagawin ko itong basis for an impeachment complaint. Ako ang mangunguna diyan sa kanya,” ani Trillanes.
Ang tinutukoy ng senador ay ang P211 milyong bank account umano ni Duterte sa BPI Julia Vargas branch.
Samantala, nagbabala rin si Trillanes na mas malalala pa sa Martial Law ang nais na revolutionary government na ipapatupad umano ni Duterte sakaling ito ang mahalal na presidente ng bansa.
“Revolutionary government which is worse. Kasi ‘yung martial law doon sa Constitution, limitado na ‘yung powers. Pero ‘pag nag-declare ng revolutionary government, anything goes,” ani Trillanes.
- Latest