Filtered By: Showbiz
Showbiz

Aljur Abrenica at Kris Bernal, balik-tambalan sa 'Karelasyon'


Balik-acting sa Kapuso Network ang hunk actor na si Aljur Abrenica. Makakatambal niya sa drama anthology na "Karelasyon" ang dating ka-love team na si Kris Bernal.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News 24 Oras nitong Miyerkules, inihayag nina Aljur at Kris na akala nila ay hindi na sila muli pang magkakasama sa isang television drama.

Pagkaraan ng ilang buwan, ikinatuwa ni Aljur nang matanggap niya ang script para sa "Karelasyon."



"Binasa ko kaagad at medyo naging emotional ako kasi it's been a while, medyo matagal-tagal din akong hindi nakapag-ganitong project sa GMA," anang aktor.

Lalo raw sumaya si Aljur nang malaman na ang ka-love team na si Kris ang kaniyang makakatambal sa proyekto.

Ayon kay Kris, malaki na ang pagbabago ng kanilang working relationship ngayong nagkasama silang muli sa drama project pagkaraan ng halos dalawang taon.

"Hindi ko maiwasang mangiti kahit seryoso ang eksena namin, ngumingiti 'yung mata ko kasi sa sobrang tuwa ko," anang aktres.

Sa "Karelasyon," gagampanan ni Aljur ang papel ng isang con artist, at isa sa mga nabiktima niya ay ang ina ni Kris, na gagampnan naman ng nagbabalik-acting din na si Dindi Gallardo.

Mensahe naman ni Aljur sa kaniyang mga tagasuporta, "Gusto ko sanang mag-sorry, sorry sa mga nangyari. Pero ako, ngayong nandito na ako, nabigyan ng pagkakataon, isa kayo do'n, isa kayo sa mga dahilan kung bakit ako nandito ngayon." -- FRJ, GMA News