Filtered By: Topstories
News

Pagbaril ng lalaki sa isang babae sa loob ng isang bar, nahuli-cam


Kitang-kita sa kuha ng closed-circuit-television camera ang ginawang pagbaril ng isang lalaki sa isang babae sa loob ng isang bar sa Naga City.

Sa ulat ni Elmer Caseles ng GMA-Bicol sa GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Martes, ipinakita ang cctv footage sa pagdating ng dalawang babae sa loob ng isang bar sa Magsasay Avenue sa Naga city.

Habang nakaupo ang dalawang babae, isang lalaki ang dumating at tila kinompronta nito ang isa sa mga babae.



Hindi nagtagal, tumayo ang isang babae at lumakad palayo sa lamesa. Pero sumunod ang lalaki na may hawak ng baril at pinaputukan na nito ang biktima ng tatlong ulit.

Kinilala ng pulisya ang babaeng biktima na si Myrna Reyes, na nakaligtas sa kabila ng tinamong mga tama ng bala.

Tinukoy din ang lalaking namaril at tumakas matapos ng krimen na si Orlando Rolda, na umano'y barangay chairman sa Ligao city.

Ayon sa pulisya, matagal nang magkakilala sina Reyes at Rolda pero hindi pa matiyak ng mga imbestigador kung ano ang ugat ng kanilang pagtatalo ng dalawa na nauwi sa pamamaril.

Inihayag naman ni Naga City mayor John Bongat, na may inilaan siyang P100,000 pabuya sa sinumang makapagtuturo para madakip si Rolda.

Iniimbestigahan din ng mga awtoridad ang bar para alamin pananagutan nito dahil nakapagdala ng baril sa loob ang suspek.

Tumanggi nang magbigay ng pahayag ang pamilya ng biktima, ayon sa ulat. -- FRJ, GMA News