Filtered by: Showbiz
Showbiz

And the first grand winner of Asia's Got Talent, from the Philippines, is...


Isa sa apat na pambato ng Pilipinas ang itinanghal na kauna-unahang grand winner sa Asia's Got Talent ng cable channel AXN na ginanap nitong Huwebes ng gabi sa Singapore.

Sa kabuuang siyam na kalahok na nakapasok sa grand finals, ang shadow dance play na "El Gamma Penumbra" ang itinanghal na grand winner matapos makakuha ng pinakamaraming boto mula sa mga manonood.

Second place naman ang Mongolian singers na Khusugtun, at pangatlo ang operatic Pinay singer na si Gerphil Flores.

Ang mga boto ay nalikom mula sa text (SMS), Facebook, at app ng Asia's Got Talent.

Sa Top 6 grand finalists, kasamang nakapasok ng El Gamma Penumbra at ni Gerphil Flores ang hip-hop dance group na Junior New System.

Pero nang ianunyo na ang Top 4, nalaglag na ang Junior New System.

Kasama ring nakapasok sa grand finals ang 11-anyos na Pinay singer na si Gwyneth Dorado.

Sina David Foster, Melanie C., Anggun, at Van Ness Wu ang nagsilbing judge sa kompetisyon. Habang sina Marc Nelson at Rovilson Fernandez naman ang nagsilbing mga host.

Ang mga miyembro ng El Gamma Penumbra ay tubong Tanuan City, Batangas.

Sa kanilang audition act, naantig si Anggun na siyang pumindot ng golden buzzer para makalusot sila sa semi-finals dahil sa ipinakita nilang kuwento tungkol sa dalawang nagmamahalan at iba't ibang destinasyon sa mundo.

Sa semi-finals, tungkol sa kapayapaan ang naging tema ng El Gamma Penumbra na muling nagpaantig sa damdamin ng apat na hurado upang pindutin muli ang golden buzzer at dumiretso sila sa grand finals.

"I'm just extremely moved by what I just saw. It was really emotional. You made me really proud tonight. I'm sure you made Filipinos proud tonight. Thank you. That was flawless," sambit ni Anggun sa semi-final round.

Sa grand finals, ipinamalas naman nila ang kuwento tungkol sa pangangalaga sa kalikasan na muling nagpaiyak kay Anggun.
 
Basahin: Standing ovation sa 4 na grand finalists ng 'Pinas sa 'Asia's Got Talent'

Maliban sa El Gamma Penumbra, nakakuha rin ng golden buzzer sa semi-finals ang Junior New System, habang sa audition naman nakakuha ng golden buzzer si Gerphil.
 
Tatanggap ng $100,000 cash prize ang El Gamma Penumbra at may pagkakataon silang makapagtanghal sa Marina Bay Sands sa Singapore. -- FRJ, GMA News

LOADING CONTENT